2 turistang Pinoy na patungo sa Oktober beer fest sa Germany, nasawi sa aksidente - GMA Network
Dalawang Pinoy ang nasawi nitong Linggo matapos bumaligtad ang sinasakyan nilang bus sa isang motorway sa Buchloe, Germany, habang patungo sa Oktober beer festival, ayon sa pulisya.
Sinabi sa Agence France-Presse ng tagapagsalita ng Upper Bavaria police prefecture, na isang grupo ng humigit-kumulang 50 turistang Pinoy ang sakay ng bus na inarkila ng isang travel company at patungo sa Oktoberfest sa Munich.
Nangyari ang aksidente dakong 4:00 am., at walo pang pasahero ang malubhang nasugatan.
Ayon naman sa German newspaper na Bild, sinabi ng tagapagsalita ng pulisya na isang biktima ang namatay sa mismong lugar ng aksidente, habang ang isa pang biktima ang pumanaw kalaunan dahil sa mga tinamong pinsala.
Batay sa mga lokal na ulat, naging malawak ang isinagawang operasyon ng mga emergency responder na isinagawa sa lugar ng aksidente. Tinatayang nasa 250 emergency personnel umano ang ipinadala sa lugar.
Isinara sa magkabilang direksiyon ang motorway dahil sa nangyari.
Sa isang post sa Facebook, sinabi ng Philippine Consulate General sa Frankfurt na labis nitong ikinalulungkot ang aksidente at patuloy itong nakikipag-ugnayan sa German police at iba pang kinauukulang awtoridad.


