Lethal injection, tila 'di 'tumalab' sa babaeng binitay sa Tennessee, USA? - GMA Network

Direct Source Verification: This story is aggregated from GMA News Online (gmanetwork.com). Full reporting rights and copyright belong to the primary publisher.
Nakaligtas sa kamatayan ang isang babae na hinatulang mamatay sa pamamagitan ng lethal injection sa Tennessee. Nitong Miyerkoles, ipinatupad ang parusa pero isugod siya sa pagamutan sakay ng ambulansiya dahil hindi siya namatay makaraang iturok sa kaniya ang kemikal at may narini...

Nakaligtas sa kamatayan ang isang babae na hinatulang mamatay sa pamamagitan ng lethal injection sa Tennessee. Nitong Miyerkoles, ipinatupad ang parusa pero isugod siya sa pagamutan sakay ng ambulansiya dahil hindi siya namatay makaraang iturok sa kaniya ang kemikal at may narinig na tila “naghihilik.”

Hinatulan ng kamatayan si Christa Pike, dahil sa pagpatay niya sa kaniyang kaklase tatlong dekada na ang nakalipas. Siya sana ang unang babae na bibitayin sa naturang estado sa US makaraan ang dalawang siglo.

Ayon sa ulat ng Reuters, hindi pa agad nabatid ang kalagayan ni Pike matapos ang insidente.

Hindi rin malinaw kung ano ang susunod na hakbang na maaaring gawin ng kaniyang mga abogado o ng estado matapos siyang dalhin sa isang medical facility mula sa Riverbend Maximum Security Institution sa Nashville.

Ipinagtanggol naman ng Tennessee Department of Correction ang naging proseso sa kontrobersyal na execution. Tinutulan ng mga abogado ni Pike at mga human rights expert ang hatol na kamatayan dahil sa edad ni Pike nang mangyari ang krimen, ang kaniyang karanasan bilang biktima ng seksuwal na pang-aabuso noong bata pa, at hindi umano nagamot na problema niya sa pag-iisip.

"The Tennessee Department of Correction followed every step of the state’s lawful, established execution protocol approved by the Attorney General’s Office," saad ng ahensiya sa pahayag.

"The lethal injection chemical in the protocol has consistently been effective, and the protocol does not allow for additional procedures beyond what was carried out this evening. Christa Pike has been transported to an off-site medical facility," dagdag nito.

Nagsampa naman ang mga abogado ni Pike ng mosyon sa federal court habang isinasagawa ang execution upang ipahinto ito.

Batay sa salaysay ng mga saksi, iniulat ng NBC News na, “executioners had injected both syringes of lethal injection chemicals and Pike is still alive and snoring.”

Noong Lunes, tinanggihan ni Tennessee Governor Bill Lee ang petisyon ni Pike para sa clemency.

Matapos ang nabigong execution, inihayag ng gobernador na sinuspinde ang lahat ng execution ngayong taon at nanawagan para sa isang komprehensibong pagsusuri ng isang independent third party sa nangyari kay Pike, ayon sa Nashville Tennessean.

Ito na ang ikalawang bigong execution sa Tennessee ngayong taon. Noong Mayo, itinigil ng mga opisyal ng bilangguan ang pagbitay sa isang lalaking nahatulan ng kamatayan dahil hindi makita ang angkop na ugat para sa lethal injection.

Isinagawa ang pagbitay kay Pike ilang oras matapos alisin ng US Supreme Court ang huling-minutong stay mula sa mababang hukuman na pumipigil sa execution. Dahil dito, nabigyan ng daan ang pagpapatupad ng parusang kamatayan kay Pike, 50-anyos, dahil sa kaniyang naging papel sa pagpapahirap at pagpatay sa 19-anyos na si Colleen Slemmer noong 1995 sa Knoxville.

Noong Enero 1995, 18-anyos si Pike nang akitin nila ng kaniyang 17-anyos na nobyong si Tadaryl Shipp, at ng isa pa, ang biktima si Slemmer, kaklase nila sa Knoxville Job Corps vocational center, na pumunta sa isang masukal na lugar.

Original Source
https://www.gmanetwork.com/news/balitambayan/umg/1004465/lethal-injection-tila-tumalab-sa-babaeng-binitay-sa-tennessee-usa/story/
Visit GMA News Online ↗
SHARE STORY:
𝕏 f in

Related Coverage in Science